Gusto kitang makamtan ngunit nagnanais na ring sumuko. Hindi maisaplano ang minimithing katuparan. Hindi na rin minsan makita ang maaaring bunga ng kahapong sinumpaan.
Paano nga bang pupunuin ng pagmamahal at pag-aarugang nararapat sa'yo gayon gusto ko na ring mapuno sa mga kahibangan at mga sandaling unti-unti nang nauupos yung pag-ibig na iniaalay ko. Hindi ko na madama yung pag-iibigang nakasulat sa pahina ng mga tagpo natin. Hindi ko na makapa yung palad na sumasalo sa bawat pagkakataong nalulugmok na lang ako sa kawalan at sa kawalan ng pag-alalay.
Gusto kitang kunin, yapusin at ikulong sa loob ng mga bisig ko ngunit gusto ko ring palayain ka, pakawalan, ibalik sa maaaring mas ikasisiya mo. Paano nga ba kung napakasalungat na ng damdamin at pag-iisip. Wala nang konkretong desisyon, emosyon. Walang nang maayos na diskusyon sapagkat lahat ay nauuwi na lamang sa pagtatalong walang nananalo, walang pagtatapos kahit tuluyan nang mapaos sa kasisigaw ng mga nais ipahayag ng damdaming pagod na din sa pakikipaglaban.
Tatayo na lang ba sa pagitan ng kahapon at ng bukas na tila walang oras na lilipas at maaaksaya. Hahayaan ma lang dumaloy at kalimutan tayo ng kahapon at di na bigyang importansya yung kahilingan ng bawat isa. Kahilingang walang linaw, walang kasiguraduhan. Manalo man o matalo, parang walang pinagkaiba. Kung mawawala ka, kung bibitiw ka, kung lalayo ka; kung kakapit pa tayo sa isa’t isa, kung mananatili at magyayabong pa rin ang pag-ibig na ito, kung mananalig tayo at tuluyang magtitiwala sa pangakong binitiwan, na kahit pa pangit na lang ang lahat ay mananatiling dalisay ang pagtitinginan at pag-iibigan; walang may alam. Walang nakasulat. Walang makakahula. Malalaman na lang nating kung gusto kitang mawala sa akin, o gusto mo akong mawala sa iyo; o di kaya'y gusto mo pa rin akong mahalin, at gusto kong gano'n din ako.
No comments:
Post a Comment